Chapter 1: Spirits and the Elementals
“Gabrieell!!” dinig niyang muling tawag ng kanyang Lola.
“LA! Andiyan na po!” malakas na sagot nito upang madinig ng matanda.
“Tulungan mo muna ako dito.!”
Napabuntong hininga ito at inilagay ang librong hawak sa ilalim ng kanyang unan sabay apuhap ng Tsinelas sa ilalim ng kanyang higaan.
Ang kanyang Lola na ang nakagisnan niyang magulang. Sabi ng kanyang Lola ay namatay ang kanyang ina ilang araw pagkatapos siyang maipanganak dahil sa isang malubhang karamdaman. Ang kanyang itay naman ay namatay dahil sa Digmaan. Tanging Alaala na lang niya ay ang mga larawan ng kanyang Ina. Biyuda na ang kanyang Lola, namatay ang kanyang Lolo bago pa man siya ipanganak, sa tulong ng mga malalapit nilang kamag-anak ay napalaki siya ng kanyang Lola at napagtapos ng High School, malawak ang lupain na naiwan ng kanyang Lolo kaya kahit papano ay hindi sila naghihirap.
Mestisa ang kanyang ina, puti at mahaba ang buhok nito at mapungay ang matang kulay berde. Sabi ng kanyang Lola ay nakuha niya ang kanyang hitsura sa kanyang Ina. Matangkad siya sa karaniwang Binata, maputi at malaking bulas ayon sa matatanda at nangungusap ang kayumangging mata.
Naabutan niya ang kanyang Lola na nakatalikod at nagluluto. Ang buhok nitong mahaba na puti ay nakapusod habang pawisan ang mukha.
“Lola!” tawag niya dito upang kunin ang pansin nito.
“Apo, manguha ka nga muna ng gulay sa taniman.” Utos nito sa kanya sabay kuha sa tuwalyang nakasabit sa balikat nito at pinunasan ang kanyang kamay.
Agad siyang tumalikod at naglakad papalabas ng pinto patungo sa taniman. Pagkalabas niya ng pinto ay pinasadahan niya ng tingin ang buong paligid, bigla siyang nakaramdam ng Lungkot at humugot ng isang buntong hininga. Ilang Araw na lang at pupunta na siya ng maynila upang doon mag-aral ng Kolehiyo, ayaw sana niya dahil ayaw niyang malayo sa kanyang Lola pero iyon ang gusto nang matanda, mataas ang pangarap nito para sa kanya at ayaw niyang biguin ito.
“Noy!!” nagulat siya ng biglang may tumawag mula sa kanyang likuran.
Napansin niyang paparating ang kababata at kaibigang si Jason. NOY ang tawagan nila sa isat isa simula pa noong sila’y maliliit. Sa Bikol NOY ang madalas na itawag sa mga Bata kaya naman nakasanayan na nilang itawag ito sa isat isa.
“Noy ikaw pala!”
“Anong gagawin mo?”tanong nito.
“Mangunguha ng gulay.” Tugon niya sabay lakad patungo sa taniman habang kasunod ang kaibigan.
“Kailan ba ang alis natin papuntang maynila?” tanong nito
“Pagkatapos ng aking kaarawan. Gusto ni Lola na pagkatapos ng Bertday ko. Bakit Excited ka na?” tanong niya sa kaibigan
“Ehh.. Ewan! Excited na kinakabahan, Perstaym ko makakarating ng maynila eh.” Tugon nito sabay kamot sa ulo.
“Okay lang yan, wala namang nangangain ng Tanga sa Maynila.” Birong tugon niya dito.
“Ulol!” sagot nitong sabay ng mahinang suntok sa kanyang likuran at sabay silang nagkatawanan.
Si Jason ang Pinakamalapit niyang kaibigan at kababata. Bata pa ay magkasama at magkaibigan na ang dalawa at ngayon ay sabay pa silang mag-aaral sa Maynila. Ilang beses na siyang nakarating ng Maynila pero siya man ay kinakabahan din. Alam niyang ibang mundo ang kanilang tatahakin sa Maynila. Ibang iba sa nakagisnan nila dito sa Bikol lalo na sa katulad ni Jason na hindi pa nakakatuntong ng syudad kahit kailan.
Kinahapunan ay nagkita ang dalawa sa kanilang tambayan. Isa itong kubol sa gitna ng Palayan, ang bubong nito ay pinagdikit dikit na palapa ng niyog at ang dingding ay mga tabla. Ginawa iyon ng Tiyo niya upang silungan pag nagbabantay sa Palayan.
“Saan nga pala tayo tutuloy sa maynila?” tanong sa kanya ng kaibigan
“Sa Boarding house ni Ninong Erick, tinawagan na ni Lola noong nakaraan, mabuti daw iyon malapit lang sa School natin, pwede daw lakarin.”
“Nalulungkot ako Noy!” tugon ng kaibigan habang kinukotkot ang baon nilang mani kasabay ng pagbuntong hininga nito.
“Sino ba ang hindi,parehas lang tayo!” sagot niya
“Nakakalungkot din pala na maghihiwalay hiwalay na tayo ano, ang iba nating mga kaklase eh nasa maynila na rin.” Patuloy ni Jason habang nakatingin sa malayo
“Nalulungkot ka kasi hindi mo na makikita Crush mo.” Biro niya sa kaibigan.
Tumingin ito sa kanya at pinulot ang isang butil ng Mani at ibinato sa kanya.
“Bakit ikaw hindi? Ganting tukso nito sa kanya.
“Hanggang crush lang ako Noy, hindi na pwede siya, may nagmamay-ari na ng kanyang puso.” Litanya niya.
Nagulat siya ng bigla siyang batukan ng kaibigan. “Wow, nag drama si Jonh Lloyd.” Biro nito sa kanya habang iiling iling.
Masayang nagkwentuhan ang magkaibigan, sinusulit ang bawat oras, batid nilang pagdating ng maynila ay puro na pag-aaral ang kanilang aatupagin. Madilim na nang maisipan ng dalawa na umuwi. Nang marating nila ang dulo ng pilapil ay naghiwalay ng landas ang dalawa, nagmamadaling naglakad palayo si Jason, Gabi na at alam niyang hinahanap na siya sa kanila. Si Jason naman ay tinunton ang daan patungo sa kanila, habang daan ay naramdaman niya ang malamig na ihip ng hangin na tila humaplos sa kanyang mukha, tumayo ang mga balahibo niya ng maamoy niya ang mahalimuyak na amoy ng bulaklak. Napatigil sa paglalakad ang binata at pinakiramdaman ang paligid, hindi gumagalaw ang mga dahon sa paligid pero nararamdaman niya ang hangin sa kanyang katawan.
“ANNNAAAKK!! Isang mahina at malamyos na boses ang naulinigan niyang tila tumatawag sa kanya.
Napaantanda si Gabriel at dali daling naglakad papalayo.
“Dyosko! Namamatanda ata ako!” nahihintakutan niyang bulong sa sarili.
Naabutan niya sa Sala ang kanyang Lola at nakaupo sa Tumba-tumbang upuan, tila nagpapahinga ito.
“Lola!” tawag niya sa matanda at sabay lapit upang magmano.
“Saan ka ba Galing Apo?” tanong sa kanya ng matanda.
“Sa kubol po La, kasama ko po si Jason. Hindi ko po namalayan na gabi na pala.” Tugon niya sa Matanda.
“O siya, sige kumain ka na. Nakahanda na ang pagkain sa mesa, iligpit mo na lang pagkatapos at ako’y magpapahinga na.” utos ng matanda sabay tayo upang maglakad patungo sa kanyang kwarto.
“Sige po Lola, ako na po ang bahala dito.” Tugon niya.
Malalim na ang Gabi ng matapos siyang magligpit ng Kalat sa kusina, naupo siya sa Sofa at binuksan ang maliit na tv upang magpaantok. Nasa kalagitnaan siya ng Panunuod ng muling naramdaman ang malamig na ihip ng Hangin, umangat ang kurtina ng Bintana tanda ng pagpasok ng Hangin mula sa Labas. Nanuot sa kanyang balat ang lamig kaya tumayo siya upang isara ang bintana nang may maaninagan siya sa labas, isang puting usok ang biglang dumaan sa kanyang harapan. Napaatras si Gabriel at nagtayuan ang balahibo niya. Dali-dali niyang isinara ang mga bintana at agad na isinara ang Tv at mabilis na pumasok sa kanyang kuwarto.
Ilang minuto siyang nakaupo sa kanyang higaan at pinapakiramdaman ang paligid. Habang papalapit ang kanyang kaarawan ay papadalas ang mga kakaibang pangyayari sa kanyang paligid. Nahiga siya ng maramdaman ang nakaumbok na bagay sa ilalim ng kanyang unan agad niya itong kinapa at biglang naalala ang librong binabasa niya kanina. Muli siyang naupo at binuklat ang Libro sa pahinang pinagtapusan niya.
Sa muling pagbangon ng Dilim ay muling babangon ang mga Espiritong nahihimlay upang muling ipagtanggol ang sangkatauhan. Siya na nakatakda at ang iba pa ay muling magsasama upang harapin ang kamatayan.
Kamatayan sa laman at pagkabuhay sa Espirito ang kanyang sasapitin, at sa kanyang pagbangong muli ay makikita ang liwanag.
“Ang saklap naman ng sasapitin ng itinakdang ito. Bakit kailangan pang mamatay.” Bulong niya sa sarili bago muling ipinagpatuloy ang pagbabasa.
Ang kadiliman ay walang kamatayan, patuloy itong babangon upang maghasik ng kasamaan. Anopat ang kanyang kasangkapan ay siya ring kahinaan, hindi man ito mawasak ay kayang pigilan. Ano ang kanyang kahinaan, wala na ngang tuluyan, hanapin ang puno ng lahat ng kasamaan at ito’y bigyan ng liwanag.
“Ano daw?” nalilitong tanong ni Gab sa sarili. Napakamot siya ng ulo at isinara ang librong itim na binabasa. Naghihikab na naiunat pataas ni Gabriel ang kanyang Kamay.Nakaramdam na siya ng Antok kaya isinara niya ang Libro at nahiga. Naipatong niya ang kanang braso sa kanyang Noo at muling bumulong sa sarili.
“Totoo kaya lahat ng iyon?”
Napahikab siya at tuluyang ipinikit ang mata, unti unti ay nilalamon ng dilim ang kanyang diwa at maya maya pay tuluyan na siyang nakatulog, hindi na niya napansin ang isang puting pigura na lumapit sa kanya. Tila isa itong Espirito at hinaplos ang kanyang mukha bago tuluyang naglaho.
No comments:
Post a Comment